Ang Pagdiriwang ng Pasko at mga Kaganapan sa Bagong Taon

Written by editor | April 28, 2010 | Email This Article

Alinsunod sa tradisyon ng Katolikong Simbahan sa Pilipinas, idinaos ang Simbang Gabi sa Parokya ng Banal na Sakripisyo mula ika-16 hanggang ika-24 ng Disyembre, 2009.  Ang mga Misa de Aguinaldo ay nagsimula sa ganap na ika-4 ng umaga.  Mayroon ding mga Vigil mass bawat ika-8 ng gabi mula Disyembre 15 hanggang 23.  Magkapareho ang mga pagbasa at Ebanghelyo sa Vigil mass at sa Misa de Aguinaldo sa araw  na kasunod nito.

Ang pangunahing tema ng Simbang Gabi ay Stewards of Gifts; Stewards of God’s Kingdom.  Nais bigyang diin ng temang ito na tayo ay pinagkalooban ng biyaya ng Maykapal at ating responsibilidad na ibahagi ang mga biyayang ito sa ating kapwa.  Iba’t ibang aspeto ng pagbabahagi o pagbibigay-alay ang tinalakay ng mga paring nagmimisa bawat araw.

***

Napuno ng mga awiting Pamasko ang simbahan nang ibahagi ng iba’t ibang choirs ang kanilang talento sa nakaraang Chorale Concert na idinaos mula alas 6 hanggang alas 7:30 noong Disyembre 19, 2009.  Ang konsiyertong ito ay dinaluhan ng mga choirs na nagsisilbi sa Parokya sa pangunguna ng UP Parish Choir.  Sa pamamagitan ng mga tagapag-ugnay na sina Kristina Dacanay at Bryan Calzado, matagumpay na naidaos ang konsiyerto na lubos namang ikinatuwa na mga nakapanood.

Bukod sa pagbahagi ng talento ng mga sumali, layon ng kaganapang ito na pasiglahin ang pag-aasam ng mga parokyano sa pagdating ng Panginoon pagsapit ng Pasko.

Ang Chorale Concert ay sinundan ng isang salu-salo ng mga kalahok sa Delaney Hall.

***

Matagumpay na naidaos ang The Giving Tree Project ng parokya na nagtapos sa isang paghahandog-regalo.  Ang taunang pagbibigay-regalo ay sinimulan sa pamamagitan ng isang misa na pinangunahan ng ating Kura Parokong si Fr. Raymond Arre.  Sa kaniyang sermon, binigyang diin ni Fr. Arre ang kahalagahan at mga pakinabang ng mga regalong pang ispiritwal.  Agad na sumunod ang pagbabahagi ng mga regalo sa ating mga kapatid na nangangailangan.  Ang kaganapang ito na idinaos sa Delaney Hall, Parish Center at Parish grounds ay pinangunahan ng Social Service and Development Ministry.  Ngayong taon, mahigit sa 300 pamilya ang maingat na pinili ng mga Area Leaders upang maging benipisyaryo.  Sila ay hinandugan ng basket na puno ng pagkain upang maidaos nila ang tradisyong Pilipino na Noche Buena.

Lubos na pinasasalamatan ng parokya ang lahat  na nakibahagi at sumuporta sa proyektong ito.

***

Hep Hep! Hooray!

Ito ang paulit-paulit at masayang sigaw ng mga nakibahagi sa Parish Pastoral Council (PPC) Christmas Party. Bukod pa rito, isang matunog na Merry Christmas and a Happy New Year ang bati ng bawat isa.

Noong Disyembre 28, 2009, 7 PM, ginanap ang PPC Christmas Party ng parokya sa Hardin ng Pamilya. May higit 100 katao ang dumalo na kinabibilangan ng iba’t ibang ministri, organisasyon, at mga parokyano. Ang Volunteer Catechists (VolCats) ng Formation Ministry, sa pamumuno ni Kuya Boy Lumbreras, ang pangunahing komite na namahala sa buong selebrasyon.

Marami ang sumali sa iba’t ibang palaro para sa mga kabataan at nakatatanda. Nagkaroon din ng pa-raffle kung saan ang mga regalong ipinamahagi ay galing sa mga iba’t ibang ministri, organisasyon, at mga Areas. Kapansin-pansin din na mas maraming mga organisasyon ang nagpakita ng kanilang talento sa mga intermission numbers ngayong taon. Ang lahat ng ito ay nabigyang buhay ng mga emcee na sina Kuya Obet Paguia at Teresa Torres, at ng mga iba pang tumulong mula sa Lectors and Commentators Group at Youth Ministry. Nagkaroon din ng maliit na salu-salo kung saan ang pagkaing pinagsaluhan ay inihanda ng mga Areas, Volunteer Catechists at iba pang organisasyon.

Sa pagtatapos ng pagdiriwang, nagkaroon ng exchange gift ang lahat na may dalang regalo. Isang mensahe ang ibinigay ng ating Parish Priest na si Fr. Raymond Arre, na sa taong ito, nawa’y mas lumalim at tumibay ang pagtuon ng bawat isa sa pagiging stewards ng Simbahan.

***

Pinalawig muli ng ating parokya ang programa nito sa pagtulong sa mga nangangailangan nating mga kapatid. Buhat sa ating pakikipag-ugnayan sa Punlaan School, mabibigyan ng pagkakataong makapag-aral at makapag-sanay bilang mga iskolar ang ilan sa ating mga kaparokya. Ang nasabing scholarship ay bukas para sa mga dalagang may edad na 16 hanggang 21 na taon, nakapagtapos ng high school, may pangkalahatang marka na ‘di bababa sa 80%, at may tangkad na 5’2’’ o higit pa. Nilalayon ng parokya na mabigyan ng pagkakataon yaong mga tunay na nangangailangan na makagptapos ng 2 taong Dual Training Diploma in Food and Beverage Services for the Tourism Industry of Hotel and Restaurants. Kabilang sa mga benepisyo na matatanggap ng iskolar ay ang libreng matrikula, libreng paggamit ng mga libro at mga kagamitang panlaboratoryo, buwanang stipend (mula sa ikapito hanggang huling buwan ng scholarship), libreng health care benefits, at katiyakan ng trabahong mapapasukan pagkatapos ng dalawang taong pagsasanay. Isinagawa ng mga kinatawan ng Punlaan School ang qualifying exam dito mismo sa ating parokya. Ang Punlaan School ay isang paaralang pang-teknikal na itinatag ng Foundation for Professional Training Incorporated at kinikilala ng Technical Education and Skills Development Authority at ng Department of Tourism.

***

Sa pagdiriwang ng Taon ng mga Kaparian at sa okasyon ng ika-100 na anibersaryo ng pagpanaw ni St. John Mary Vianney, ginanap ang ikalawang National Congress of the Clergy noong Enero 25 hanggang 29, 2010 sa Philippine International Convention Center.  Ang Diyosesis ng Cubao ang nakatalagang maging host ng 300 paring nagmula sa iba’t ibang probinsya ng Pilipinas na dumating upang dumalo sa nasabing pagtitipon.  Walumpu’t siyam ang nakatalaga sa Vicariate ng St. Joseph at walo dito ang sa  Parokya ng Banal na Sakripisyo.  Ang walong pari ay kinupkop ng mga pamilyang Cervantes, Opinaldo, Resuma at Lesaca. Isang maliit na salu-salo ang inihanda ng parokya para sa mga pari upang pormal silang salubungin at tanggapin.

- Michelle Rose Rubio, Kiboy Tabada, Ma. Teresa Torres & Ily Grace Yumul