Mga Paalala’t mga Paanyaya: Pagtanaw sa Nagdaang Semana Santa

Written by editor | May 3, 2010 | Email This Article

“Hosanna!” ang naging maluwalhating bungad ng ating paggunita ng Semana Santa. Bagama’t hindi opisyal na kasama sa Semana Santa, ang Visita Iglesia na isinagawa noong Marso 27, isang araw bago ang Linggo ng Palaspas, ay isang mahalagang paghahanda para sa pagdating nito.  Ika-anim ng umaga ng araw na iyon nang umalis ang grupo mula sa parokya lulan ng isang bus at mga pribadong sasakyan.  Mahigit sa 60 rin ang sumama at karamihan dito ay kasapi ng mga ministry o may katungkulan sa mga area.  Ngunit may may mga parokyano rin na kahit walang katungkulan sa parokya ay nakita ang kagandahan at kabutihang maidudulot ng Visita Iglesia lalo na sa kanilang paghahanda para sa Semana Santa, kung kaya’t pinili rin nilang sumama.

Pitong simbahan sa Rizal at Laguna ang binisita ng grupo.  Sa bawat simbahan, nagbabasa ng dalawang istasyon sa Banal na Daan ng Krus at ito’y pinagninilay-nilayan habang namamangha sa disenyo at arkitektura ng mga lumang simbahan.  Ang unang binisita ay ang simbahan ng Parokya ng San Ildefonso sa Tanay. Dito sinimulan ang Visita Iglesia sa pamamagitan ng isang misa na pinangunahan ni Fr. Raymond Arre.  Sunod na binisita ang magkalapit na simbahan ng Pakil at Paete sa Laguna.  Sapagkat medyo malayo ang kasunod na simbahan ng Magdalena, inaliw ng tour guide na si Alan Navida, na siya ring nag organisa sa paglalakbay, ang grupo sa pamamagitan ng mga kuwento tungkol sa kasaysayan ng mga lugar at simbahang binisita at bibisitahin.  Sa Magdalena nananghalian ang grupo sa mga kubong matatagpuan sa labas ng simbahan.  Mas mahaba naman ang panahong iniukol sa bayan ng Liliw sapagkat bukod sa pagdalaw at pagdarasal sa simbahan, namili rin ang grupo ng mga tsinelas at sapatos kung saan naging kilala ang nasabing bayan.  Namangha naman ang lahat sa ganda ng simbahan ng Nagcarlan.  Kapansin-pansin ang mahaba nitong pasilyo, ang mga mala-gintong retablo at ang lumang arkitektura na siyang nagpatanyag dito.  Marahil ito ang naging dahilan sa pagpili ng naturang simbahan na maging lokasyon para sa teleseryeng “Kampanerang Kuba”.  Dumaan din ang grupo sa underground cemetery ng Nagcarlan at nalaman mula sa tagapagbantay ang kasaysayan nito.  Sa simbahan ng Pila natapos ang Visita Iglesia.  Dito binasa na ang panglabing tatlo at panglabing apat na istasyon ng Banal na Daan ng Krus.

Magtatakipsilim na ng magsimulang umuwi ang mga sumama at gabi na ng dumating sa parokya ng Banal na Sakripisyo.  Bagamat pagod sa mahabang biyahe bakas naman sa mga mukha nila ang sayang nadarama nang samahan nila si Hesus sa Kanyang mga naging karanasan – mula sa Kanyang paghihirap at pagkamatay hanggang sa Kanyang muling pagkabuhay.

Nang sumunod na araw ipinagdiwang naman ang Linggo ng Palaspas na kinapalooban ng prusisyon mula sa UP College of Engineering kung saan nagbasbas ng mga palaspas. Lalong napasigla ng pagkalansing ng tamburin ang prusisyon nang ito’y sinalubong ng mga benepisyaryo ng KaKa Scholarship Fund. Ang pagtatapos ng prusisyon ay siyang simula ng pangunahing misa sa Linggo ng Palaspas na pinamunuan ng ating Kura Paroko.

Tunay nga namang angkop ang panahon ng Semana Santa upang pagyamanin at palalimin ang ating pananampalataya at ang ating pagpapahalaga sa misteryo ng kuwaresma. Napatungkol dito ang Lenten Recollection na pinamunuan ni Fr. Baltazar Obico, ang Minister Provincial ng mga Franciscans. Nagbuhat sa mga pagninilay na tampok sa recollection noong Lunes at Martes Santo ang higit na pagbuti ng pag-unawa sa atedg ng Kuwaresma at sa Pasko ng Pagkabuhay.

Pinakamahalagang bahagi na marahil ng mga paghahanda para sa panahon ng Kapaskuhan ang pagkilala at pagtanggap sa ating pangangailangan ng kapatawaran mula sa Diyos. Ating tinugunan ang tawag ng Panginoon na magbalik-loob kung kaya’t ating isinagawa ang Kumpisalang Bayan noong Miyerkules Santo kasama ang walong pari, ang iba sa kanila’y mula ated mga karatig na simbahan. Upang lalong maging makabuluhan ang Sakramento ng Pakikipagkasundo, pinangunahan ito ng isang simpleng liturhiya ng pagbasa at pagdasal kung saan inilarawan ang pagbabagong-buhay sa pamamagitan ng pagpatay ng mga kandilang nagsasagisag sa iba’t-ibang uri ng kasalanan.

Ang napipintong kasukdulan ng Semana Santa ay lalong napahayag sa paggunita ng Huling Hapunan ng Panginoon noong Huwebes Santo. Tinampok sa pagdiriwang ng Misa sa gabing iyon ang paghugas ng mga paa ng mga apostoles na kinatawan ng mga magulang ng mga iskolar ng KaKa. Ani Fr. Anil sa kanyang homiliya, tanda ng ating pakikiisa sa Diyos ang ating pagdamay at pagsilbi sa kapwa. Hayag sa paghuhugas ng paa ang tawag ng Panginoong dumamay at magsilbi. At sa paanyayang samahan rin ang Panginoon sa gabi ng Kanyang pagtangis, ating itinugon ang pagsamba sa Santisimo Sakramento na kahanga-hangang idinambana sa Hardin ng Pamilya.

Sa mismong araw ng paggunita ng pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoon, Biyernes Santo, at sa ganap na ika-tatlo ng hapon, ang oras ng Kanyang pagpanaw, dama sa buong simbahan ang damdamin ng lungkot at lumbay. Tila tanda ng pakikiisa sa madamdaming mga pangyayari ang pagkamaalinsangan ng panahon. Ang altar, nanatiling walang gayak; ang prusisyon, walang kasabay na ni anong awit; ang mga mamumunong pari, dumapa lamang sa altar bilang tanda ng masidhing paggalang sa Panginoong kapapanaw lamang. Tunay ngang simbolo ng ating kaligtasan at pananampalataya ang krus na siyang pinagpakuan ng ating Diyos. Kung kaya’t sentro ng liturhiya ng Biyernes Santo ang pagsamba sa krus. Matapos ang mga pagbasa at ang mga panalangin, itinampok ni Fr. Mike, ang siyang punong pari noon, ang krus at ihinayag ang anyayang, “Ito ang kahoy na krus!” Atin namang itinugon, “Purihin at sambahin!” Sumunod na rito ang paghalik sa krus bilang tanda ng ating ating pagsamba. Matapos ang komunyon ay nagtuloy na tayo sa prusisyon ng Santo Entierro, tanda rin ng ating pagdamay sa Birheng Dolorosa sa gitna ng kanyang pagtatangis.

Kung anong lungkot ng nagdaang araw ay siya namang sigla ng Sabado de Gloria, ang gabi ng paggunita sa muling pagkabuhay ng Diyos. Sa pangunguna ni Fr. Raymond, binasbasan ang isang bagong apoy, simbolo ng tagumpay ng nabuhay na Diyos laban sa kadilimang idinulot ng kasalanan. Napakaganda nga namang ated, na mula sa isang kandilang itinanghal kasabay ng mga katagang, “This is the light of Christ!”  nabasag ang dilim sa simbahan ng mga kandilang nagsindihan kasabay ang tugon na, “Thanks be to God!” Anong ganda nga naman ng pagkasagisag ng pagtagumpay ng ilaw ng Panginoon laban sa kadiliman ng kasalanan! Hayag sa pag-awit ng Exsultet ang pagkagalak ng buong simbahan sa muling pagkabuhay ni Hesus. Sa limang pagbasa, muli nating ginunita ang kuwento ng ating kaligtasan. Matapos ang mga iyon, muling inawit ang Gloria na tila kay tagal nang ‘di natin naulinigan. Sa maluwalhating paggunita, sinindihan ang mga ilaw ng simbahan at doo’y namalas ng lahat ang dambanang lubusang ginanyakan ng atedg tela, mga halaman, at mga bulaklak. Tampok rin sa gabing iyon ang pagbinyag, pagkumpil, at pagtanggap ng unang komunyon ng kapatid nating si Geneva Malinao. Kasunod nito ay muli nating ipinagtibay at ipinahayag ang ating pananampalataya. Ani nga ni Fr. Raymond sa kanyang homiliya, nabuhay nang muli ang Panginoon at marapat lamang ng ikasiya natin ito at tugunan ng ating pagsasabuhay ng bagong buhay  mula sa pagkamakasalanan at kawalan ng pag-asa.

Tanto natin na ang Linggo ng Pagkabuhay ay siyang pinakamahal sa mga mahal na araw sapagkat dito’y naipamalas ng Panginoon ang Kanyang tagumpay laban sa kamatayan. Naging bahagi ng ating pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ang pagsama kina Hesus at Birheng Maria sa kanilang Salubong. Ating tinunghayan ang pagtanggal ng anghel ng itim na belo ni Maria na tanda ng kalungkutang hindi na dapat niya, maging natin din, danasin. Kay-angkop rin na idinaos sa Sunken Garden ang Misa sapagkat nalahad sa mga panahong iyon ang pagbukang-liwayway na akmang sumabay sa pagpapahayag ni Fr. Serge sa kanyang homiliya na dapat tayo’y gumising na’t mamulat sa pag-asang dala ng muling pagka-buhay ng Diyos. Naging bahagi rin ng ating pagsasaya ang Easter egg hunt at ang Easter picnic noong araw na iyon.

Atin nang ginunita ang Semana Santa at atin na ring ikinasiya ang muling pagkabuhay ng ating Panginoon. Nawa’y manatili tayo sa liwanag at pag-asang ated ng Paskong ating ipinagdiwang.

- By Kiboy Tabada and Michelle Rubio